Tuesday, March 23, 2010

Nakaaambag ang mga bulag sa ekonomiya ng bansa

Mga mananaliksik:
Kristina Noelle A. Tangkeko
Edsel Tecson
Chiaki DS. Tamaki
Cursor J. Uy
John Mccann
Camilo Ramos

Ikalawang Semestre 1DAM batch 2009-2010 Kolehiyo ng Komersiyo ng Unibersidad ng Santo Tomas
_______________________


INTRODUKSIYON


Paglalahad ng Suliranin


Ano ba ang kayang iambag ng mga taong may kapansanan sa bansa? Ano ba ang kaya nilang gawin para sa ekonomiya? Hindi ba sila’y pabigat lamang at nagpapabagal lalo ng mga gawain? Kung hindi, ay paano ito mapapatunayan?


Rebyu/Pag-aaral

Nakasaad sa librong “General Ophthalmology 15th Edition” nina Daniel Vaughan, Taylor Asbury at Paul Riordan- Eva, ang kahulugan ng pagkabulag at ang mga kadalasang sanhi nito. Maaaring bunga ito ng isang kapansanan, kondisyon, sakit, o ng simpleng sugat na nakaapekto sa mata. Ipinaliwanag din kung ano ang mga basehan ng pagkabulag.

Ayon sa National Statistic Office o NSO, sa ilalim ng konsenso ng populasyon at pabahay noong taong 2000, na pinamagatang “Report No. 2, Volume 1 of Demographic and Housing Characteristics”, ang pagkabulag ang may pinakamalaking porsyento sa populasyon ng mga taong may kapansanan. Nakatala sa nasabing libro ang tiyak na bilang ng mga bulag noong taong 2000 na hinati sa tatlong klasipikasyon.

Ayon sa isa pang libro ng NSO na may pamagat na “Special Report on Persons with Disabilities”, ipinakita ang porsyento ng mga PWDs na nasa labinlimang taong gulang pataas ay mayroong trabaho o kaya negosyo. Isang pahayag ang nagsasaad ng bilang ng mga nagtatrabahong bulag sa lokal na pamahalaan.

Matatagpuan naman sa librong “The National Plan of Action: Philippine Decade of Persons with Disabilities 2003-2012” ay ang listahan ng mga iba’t ibang bagay na binibigyang prayoridad sa bansa na kailangan masagawa sa loob ng isang dekada.

Iba’t ibang artikulo sa pahayan gaya ng “Manila Bulletin” at “Philippine Daily Inquirer” at iba pang lokal na pahayagan ang tumatalakay at nagbibigay ng parangal sa mga kakayahan ng mga bulag. Ang pahayagan na “The Negros Chronicle” noong Disyembre 26, 2009 nagbalita tungkol ang pagbibigay parangal sa isang musikerong bulag. Isang artikulo ng Manila Bulletin na pinamagatang “Being a SPED teacher is all about commitment” ni Genevieve Rivadelo, ang tumatalakay tungkol sa isang bulag na nagawang maging guro, si Helen Keller.

Ayon sa artikulo ng Call Center Philippines, samahan ng mga call centers sa bansa, na may pamagat na “Call Center for the Blind People”;sinimulan ng Adaptive Technology for Rehabilitation, Integration, and Empowerment of the Visually Impaired o ATRIEV ang programa tungkol sa pagtatayo ng call center na nagsasanay at tumatanggap ng mga bulag upang maging mga ahente.

Isang panayam sa mga bulag na masahista na nakadestino sa harap ng Quezon City Hall ang tumatalakay ng mga personal na impormasyon at kasanayan ng isang nagtatrabahong bulag.


Layunin

Susubukan ng mga mananaliksik na matatagin ang katotohanan na ang mga taong may kapansana, particular, ang mga bulag ay naaambag sa ekonomiya ng Pilipinas. Maiparating sa nakararami ang mga pinto ng mundo na bukas para sa mga bulag. upang ipagbigay alam ang mga trabahong napapasukan ng mga bulag ay laganap na. Nais nilang matuklasan at mapatunayan na ang isang taong may kapansanan tulad ng mga bulag ay may kakayahan upang gumawa at magtrabaho para sa ikauunlad natin at ng kanilang mga sarili. Layunin din ng mga mananaliksik na maibalik ang tiwala ng mga bulag sa kanilang sarili at makita ang kanilang kakayahan. Kagustuhan din ng mga mananaliksik na ipakita, sa pamamagitan ng mga datos at talahanayan ang bilang ng mga bulag sa bansa na nagsusumikap at nagtatrabaho ng mga normal na gawain. At lalung-lalo na, upang maiparating sa lahat na kailangan din nating ituring bilang kapwa at huwag husgahan sa pisikal na kakayahan ang mga bulag.


Kahalagahan

Magdadala ito ng postibong pananaw sa mga taong nakikisalamuha sa mga bulag, pati na sa mga bulag mismo. Mabibigyan sila ng tiwala sa sarili sa kaya nilang gawin at gampanan. Mahalaga ito sapagkat maiaalis nito ang diskriminasyon upang makapamuhay nang mapayapa ang mga bulag nating mamamayan. Para mapagtanto ng mga may kapansanan sa mata, na hindi humihinto ang buhay kahit na madilim ang kapaligiran, na natutuhan nilang bigyang kulay ang kanilang mga sarili sa ibang paraan.


Metodolohiya

Ang mga datos na gagamitin ng mga mananaliksik sa pananaliksik na ito ay lilikumin mula sa mga aklat na matatagpuan sa mga silid-aklatan na maaaring makapagbigay impormasyon tungkol sa mga bulag. Ang mga librong ito ay manggagaling sa Filipiniana section at ang iba namang mga libro ay magmumula sa Medicine library para sa “medical references”. Ang ilan pa ay matatagpuan sa aklatan ng mga organisasyon. Ang mga mananaliksik ay maghahanap din ng mga bulag na nagtatrabaho nang sa gayon ay sila’y kanilang makapanayam upang magmula sa mismong mga taong ito ang kanilang mga datos na siyang gagamitin sa pananaliksik na magpapatunay na ito ay makatotohanan. Kakapanayamin din ng mga mananaliksik ang mga ahensya na tumatanggap ng mga bulag bilang kanilang mga empleyado at mga organisasyon na naglalahad ng mga programa para sa mga bulag. Ito ay upang malaman kung sila nga ba ay nakakatulong sa ekonomiya ng ating bansa. Itinitiyak na ang magkakalap ng datos ay tatagal ng mahigit kumulang isang buwan.


Saklaw/Delimitasyon

Ang pananaliksik ay tatalakay sa mga trabaho na nagagampanan at nanapapasukan ng mga bulag na nakalap sa mga pahayagan gaya ng Manila Bulletin, Philippine Daily Inquirer, local na pahayagan gaya ng sa Negros Oriental; na may mga petsa na nagsimula sa taong 2008 hanggang kasalukuyan. Mga ilang matagumpay na bulag sa larangan ng IT o sa iba pang di-pangkaraniwan para sa kanila. Binubuo rin ito ng mga pangkaraniwang buhay ng isang ordinaryong bulag na mamamayan. Isang panayam sa 3 ordinaryong bulag na nagtatrabaho bilang mga masahista sa harap ng Quezon City hall ang naging basehan nito. Ang pagtukoy sa kung anu-ano ang pwede nilang gawin sa kabila ng mahirap nilang sitwasyon. Ilan din sa mga pananaw ng iba’t ibang uri ng tao sa lipunan tungkol sa mga bulag at sa kakayahan nitong kumita pa ng pera ang kinuhaan ng datos sa pamamagitan ng isang sarbey. Makikita rin ang ilan sa mga ahensiya, programa at batas, at mga organisasyon na nangangalaga sa mga bulag na nakatala sa NCDA o National Council Disability Affairs.


Daloy ng pag-aaral

Mayroong anim na kabanata ang pananaliksik.

Una, ang pagkabulag sa siyentipikong pagpapakahulugan. Dito ay lubos na ipinaliwanag ang kapansanan gamit ang mga “medical terms”. Pangalawa, populasyon ng mga bulag sa bansa. Ipinakikita ang bilang ng mga Pilipinong may kapansanan sa mata. Pangatlo, mga trabahong napapasukan ng mga bulag. Pagbibigay ng ilang trabaho na maaaring pasukin o gawin ng isang bulag. Pang-apat, mga bulag na naging matagumpay. Pagbibigay ng ilan sa mga kababayan natin na bulag ngunit naging asenso sa buhay bunga ng tiyaga at sipag. Panlima, mga batas, ahensya, programa, at organisasyon na tumutulong sa mga bulag. Ikaanim ay ang populasyon ng mga bulag na nagtatrabaho sa bawat rehiyon ng bansa, pati na ang sistema ukol dito.


__________________________________________________



I. Introduksyon ng Paksa


Ang pagkabulag ay maaaring sanhi ng sakit, kondisyon o simpleng pagkakasakit lamang. Ito ay ang paglabo hanggang sa tuluyang pagkawala ng paningin.

Mahigit kumulang 38% ng lahat ng mga taong may kapansanan ang bulag. Ayon ito sa huling sarbey na nakalap ng NSO.

Nakasaad sa sarbey na isinagawa noong 2006, na 191 sa 1595 na PWDs na empleyado ng lokal na gobyerno ay bulag.

Ang lahat ng mamamayan ng Pilipinas ay may kakambal na tungkulin at karapatan. Normal man o may kapansanan, lahat ay may karapatan, lahat ay may mga tungkulin. Responsibilidad ng lahat ang pag-unlad ng ating bansa at ang pagsabay nito sa pandaigdigang ekonomiya. Sa sariling kakayahan, nagagawa ng mga bulag na makaambag sa pagpapa-unlad na ito. Nagagawa pa rin nilang mamuhay ng normal at magtrabaho. Gumagamit pa rin sila ng mga produkto at serbisyo gaya natin. Nagbabayad ng buwis, at nagbabayad para sa mga produkto at serbisyo. At ang kahanga-hangang pagpasok sa mga trabaho na karaniwang ginagawa ng nakararami na lubos na nakadaragdag sa lakas-paggawa ng bansa.. Sa ganitong paraan, masasabi natin na isa itong kontribusyon, pagpapakita ng pakialam sa gobyerno at sa bansa.


__________________________________________________



II. Pagbibigay importansya sa mga bulag


A. Pagkabulag sa Siyentipikong Pagkakahulugan

Ayon sa librong “General Ophthalmology 15th Edition” na lagda nina Daniel Vaughan, Taylor Asbury at Paul Riordan- Eva, ang pagkabulag ay ang permanenteng pagkawala ng patingin ng isang tao. Isang kahinaang biswal na hindi na maaaring itama ng salamin sa mata, contact lenses at miski ng surgery. Ang pagkabulag ay tinatawag ding “legal blindness”. Ang mata na may grado na mas mababa sa 20/200 ay itinuturing na bulag. Kung gagamit ng Snellen Chart, isang paraan ng pag-eksamin ng mata, ang taong may 20/20 na paningin o ang normal na grado ay makikita ang mga letra sa layo na 200ft samantalang ang may 20/200 na paningin ay tanaw lamang ito hanggang 20ft.

Maraming dahilan ng pagkabulag., maaaring bunga ito ng isang kapansanan, kondisyon, sakit, o ng simpleng sugat na nakaapekto sa mata. Halimbawa nito ay ang matandang edad na likas na epekto ang paglabo ng mata; katarata,kalabuan ng lente ng mata; trachoma, nakahahawang sakit na apektado ang conjunctiva at cornea ng mata, isa ito sa pangunahing sanhi ng pagkabulag sa Asya at Africa; diabetic retinopathy, o ang pagkasira ng retina ng mata bunga ng diabetes; at ang isa sa likas na sanhi ng pagkabulag ay ang pagkamana nito.

Sa pag-aaral ng mga eksperto sa bansang Amerika, na matatagpuan din sa parehong libro, ang mga taong 65 taong gulang pataas ang may mataas na posibilidad ng pagkabulag. Ngunit sa panahon ngayon ay wala ng pinipili ang kondisyon na ito. Pati ang mga bagong panganak ay nasuri na na bulag sa maagang edad. Karamihan sa kanila ay nabulag sanhi ng masamang kondisyon habang ipinapanganak, malformation o dahil sa genetically determined disease.

Ang pagkabulag ay maaaring maging isang dahan-dahan na pangyayari. Unti-unting lumalabo ang paningin at nakaaapekto sa mga gawain. Hindi na nakikita ang mga tao, bagay, na kadalasan nagiging dahilan ng disgrasya. Dumidilim ang paningin hanggang sa tuluyan na itong mawala.


__________________________________________________


B. Populasyon ng mga bulag sa bansa


Ayon sa National Statistics Office, sa ilalim ng konsenso ng populasyon at pabahay noong taong 2000, ang bilang ng mga taong may kapansanan sa patingin ay umabot sa 942,098 o halos 1.23% ng buong populasyon ng bansa. Tumaas ito ng 2.48% kumpara sa konsenso noong 1995.

Ang pagkabulag o ang pagkakaroon ng malabong paningin ang may pinakamalaking porsyente ng mga PWDs.. Tatlo sa bawat walong PWD’s ay may malubhang pagkabulag (37.41%t). Sumunod ay ang bahagyang pagkabulag (8.14%), sakit sa pag-iisip (7.14%), at ng mabagal na takbo ng utak (7.02%).







Matatagpuan sa ibaba ang detalyadong talaan ng bilang ng mga bulag na hinati sa tatlong klasipikasyon:




(Report No. 2, Volume 1, Demographic
and Housing Characteristics, NSO)


Mapapansin na may tatlong klasipikasyon ng pagkabulag ang ginamit sa pagtatala. Ayon sa NSO:

Ang kabuuang pagkabulag ay nangangahulugan na walang kapakipakinabang na paningin sa parehong mata. Hindi nakakakilala ng mga bagay na nakaharap sa kanya. At nangangailangan ng Braille system sa pagbababasa.

Ang bahagyang pagkabulag ay mayroong mas-maayos na paningin kung ikukumpara sa taong may kabuuang pagkabulag. Maaaring isang mata lamang niya ang bulag at nakakakita pa ang isa.

Ang taong mayroon namang malabong paningin ay may ang mga taong nagsusuot ng salamin at kailangan pa ng mga malalaking letra sa mga tekstong binabasa upang makabasa sa layo nang isang talampakan.

Ayon naman sa resulta ng ginawang 2002 National Survey on Blind and Low Vision ay nagsasaad ng 4.62% ng paglaganap ng paglabo ng mga mata, 0.58% sa bilateral na pagkabulag, 1.07% sa monocular na pagkabulag, 1.64% sa bilateral na pagkalabo ng paningin, at 1.33% sa monocular na pagkalabo ng paningin.

Ang pinakamataas na porsiyento ng mga taong may malabong paningin (kasama na ang mga bulag) ay matatagpuan sa rehiyon ng Cagayan na umabot sa 7.75%, samantalang ang pinakamababang porsyento naman ay matatagpuan sa CARAGA na may 1.67% lamang. Ang paglaganap nito ay pinakamataas sa mga taong may gulang na 60 hanggang 74, at pinakamababa naman sa mga 0 hanggang 20 taong gulang.

Ang resulta ng ikatlong nasyonal sarbey sa pagkabulag ay nagpapakita ng pagkababa ng paglaganap ng pagkabulag mula 0.7% noong 1995 hanggang 0.58% na lamang noong 2002. Sa kabila ng patuloy na pagtaas ng populasyon, ang bilang ng mga Pilipinong bulag ay nanatiling malapit sa kalahating milyon.


__________________________________________________


C. Mga trabahong maaaring pasukan ng mga bulag


Hindi maaaring maging hadlang ang paningin ng isang tao sa kagustuhan nitong bumuo ng magandang kinabukasan. Marami pa rin sa mga bulag ang kumakayod upang matustusan ang pang-araw-araw nilang pangangailangan. Hindi man lahat ng gawaing normal para sa iba ay kaya nilang gampanan, mayroon pa rin mga trabaho na sila’y lubusang tinatanggap. Maaari sila maging:




  • Call Center agent

Isa sa maaari nilang pasukan ay ang call center. Ayon sa artikulo ng Call Center Philippines, samahan ng mga call centers sa bansa, na may pamagat na “Call Center for the Blind People”, sinimulan ng Adaptive Technology for Rehabilitation, Integration, and Empowerment of the Visually Impaired o ATRIEV ang programa tungkol dito. Ang ATRIEV’s training center for the blind ay isang call center na bukas lamang sa mga empleyadong bulag na matatagpuan sa Quezon City. Nagsimula ito noong ika-20 ng Oktubre 2009. Ang sistema rito ay simple lamang. Ang ahente ay nagbibigay ng gabay sa mga kostumer sa pamamagitan ng pakikinig sa telepono at pagsasaad ng kaukulang impormasyon na nakasulat sa Braille, tinatawag nila itong “refreshable Braille”. Ito ay upang lubos nilang magampanan ang trabaho.

Sa kasalukuyan, napakarami na ang mga bulag na call center agents. Kailangan lamang nila ng kaalaman sa kompyuter at mahusay na pananalita at hindi mahalaga na sila’y nakakakita.



  • Telephone operator

Isang sikat na kompanya ang lubos na nagpapahalaga sa mga PWD’s, ang HSBC.

Ang HSBC o Hong Kong Shanghai Banking Corporation ay tumatanggap ng mga taong may global na pananaw - mga taong may disiplina, at inuuna ang serbisyo. Sila ay nagbibigay ng mga pagkakataong magbigyan ng pagsasanay ang mga trabahador. Ayon sa kanilang misyon, hindi maaari ang diskriminasyon. Hangga’t may kakayahan ang isang taong magtrabaho ay may karapatan ito.

Matatagpuan sa kanilang “website” ang ilang kategorya ng trabaho na kanilang ipinagkakaloob sa mga taong may pisikal na kakulangan, tulad ng mga "phone banking operators" sa mga "call centers" na para sa mga may kahinaan o walang kakayahang gumalaw lamang; kawani para sa pagpoproseso ng mga datos na para sa mga bingi o may kapansanan sa pagkilos; at opereytor ng telepono na para sa mga bulag.




  • Masahista

Ang mga kamay nila ay walang kaugnayan sa kahit na anong kapansanan sa mata, kaya sila ay biniibgyan ng mga kasanayan upang maging isang ganap na masahista.

Isang panayam sa tatlong bulag na masahista ang nagpatunay dito. Sila ay naghahanap-buhay ngayon sa harap ng Quezon City Hall tuwing Lunes hanggang Biyernes. Sila ay nabibilang sa samahang Philmat, isang foundation na nagtuturo sa mga bulag kung papaano magmasahe.




Si Fidel Tamayan, 40 na taong gulang na may pamilya't asawa ngunit wala pang anak. Nagmula sa Mindoro at kasalukuyang naninirahan sa Project 4. May pumuntang mga taga-social welfare sa kanilang lugar at nagbigay ng pagsasanay upang maging masahista. Siya'y sumasakay lamang ng tricycle papunta sa trabaho. Siya nga pala ay pitong taon nang bulag bunga ng impeksyon at kakulangan sa bitamina na nakaapekto sa kanyang mga mata. Sa kanyang pagtatrabaho sa Quezon City hall bilang masahista, P200-P300 ang kanyang kita kada araw.




Si Maria Kristina Enriquez, isang bulag mula nang siya'y pinanganak. Siya ay 39 na taong gulang na may asawang katulad din niyang may kapansanan sa paningin na may apat na anak. Sa Batasan, Quezon City sila naninirahan kasama ang kanyang pamilya. Nagsimula siyang magtrabaho bilang masahista noong taong 1992. Tatlong taon sa Philmat ,isang paaralan para sa mga bulag sa Pasay. Isang kamag-aral niya sa dating paaralan ang nagsabi sa kanya sa impormasyon tungkol sa pagmamasahe at doon mismo magtatrabaho. At dahil dito, marami siyang natutunan na estilo sa pagmamasahe at isa na rito ang "Swedish Massage".




Si Emmanuel Barbara ay 47 na taong gulang at 23 na taong gulang nang siya ay nabulag. Sa malungkot na pangyayari, noong 2003 tuluyan siyang nabulag. Bago siya tuluyang mabulag ay nagtrabaho pa siya bilang “gym instructor”. Nagmula siya sa Federation of Q.C blind massager at doon natuto ng mga estilo sa pagmamasahe. May isa siyang anak at asawa na may normal na paningin. Sila ay nagpakasal noong taong 2005, patunay na hindi balakid ang pagkabulag. Sa Novaliches sila naninirahan. At ang paborito niya "motto" o kasabihan sa buhay ay "Time is gold".



  • Medical transcriptionist

Isa sa mga programa ng isang foundation ay umupa ng mga bulag para maging “medical transciptionist”. Ito ay ang “Work-At-Home Program” ng Nova Foundation, isang organisasyon na nangangalaga sa kakayahan ng mga taong may kapansanan.

Nagkakaloob ng sapat na kasanayan sa IT sa mga taong may kapansanan ngunit may angkin na kakayahan, sa pamamagitan ng “distance learning” at sa paggamit ng isang “computer network”. Maaari silang makapagtrabaho kahit sa loob ng bahay bilang mga “medical transcriptionist”.

Ang WAH Program ay pinarangalan sa "Panibagong Paraan" competition ng World Bank’s first Philippine Development and Innovative Marketplace sa kabila ng 1,800 panukala na isinumite. Naganap ito noong Pebrero 2004.



  • Guro

Gaya na lamang ng pananaw ni Helen Keller, walang imposible kung pagbubutihan at isasapuso.

Ayon sa isang artikulo ng Manila Bulletin na pinamagatang “Being a SPED teacher is all about commitment” ni Genevieve Rivadelo, nabanggit si Helen Keller, ang pinakatanyag at espesyal na guro. Isang siyang bingi-bulag na guro na natutunang tanggapin ang pagtuturo na may determinasyon na nagpalagpas ng mga malalaking limitasyon at matapang na hinarap ang mga pagsubok ng kanyang kapansanan.


Sabi niya na "ang tanging bagay na mas masahol pa kaysa sa pagiging bulag ay ang pagkakaroon ng paningin, ngunit walang mga pangitain." Pagpili ng tamang paaralan at paghahanda ng sarili para maging isang guro sa SPED na nagsasabing pagtingin sa hinaharap na may pananaw na umaabot lampas sa kung ano ang nais mo para sa iyong sarili lamang, ngunit pagtingin sa hinaharap ng mga batang may espesyal na pangangailangan at paano ka magiging bahagi nito.

Maaari silang magturo ng Braille sa kapwa bulag na hindi pa ito nalalaman.



  • Musikero

Ang pahayagan na “The Negros Chronicle” noong Disyembre 26, 2009 ay nagbalita tungkol ang pagbibigay parangal sa isang musikerong bulag na si Felizardo Bais ng Dauin, Negros Oriental.

Si Felizardo Bais ng Dauin ay isang bulag na musikero at isang pinuno ng isang banda, ang Mabuhay Rondalla Group ng kanilang bayan. Sa kabila ng kanyang pagkabulag, siya ay nagtuturo ng organo sa mga kabataan ng Dauin at napagtapos niya ang kanyang mga anak hanggang kolehiyo. Siya ay naparangalan bilang isa sa 10 outstanding PWD’s sa Negros Occidental.

Isa itong halimbawa na ang isang bulag ay maaaring magturo ng pagtugtog ng mga intrumento. Maaari silang maging maestro o guro ng musika lalo na ng mga batang nagsasanay tumugtog.


__________________________________________________


D. Ilan sa mga bulag na naging matagumpay


Tony Llanes
Si Tony ay isa sa mga respetadong pinuno ng ATRIEV, isang eskwelahan ng kompyuter para sa mga bulag. Dati siyang presidente ng eskwelahan, ngayon ay binibigyang pokus na lamang niya ang pagiging mentor at inspirasyon ng kanyang mga estudyante.

Sa kanyang paglaki, Si Tony ay kinilala bilang “ugly duckling” na napadpad sa kakaibang kapaligiran. Naalala niya na ang mga tao ay ginustong tulungan siya ngunit hindi alam sa papaanong paraan. Noong nasa Hayskul at Kolehiyo siya, siya ay nakikisama sa mga aktibidad sa mga kalye o rally laban sa imperialism, capitalism, at sa iba’t iba pang mga isyu. Noong labing walong taong gulang pa lamang siya, nilalaan na niya ang kanyang oras bilang "Sunday school teacher" , ipinamamahagi na niya ang kanyang pagmamahal sa trabahong pang-komunidad.

Para sa karamihan ng tao, itratrato nila ang pagkabulag, na isa sa maraming dahilan, bilang isang konkretong pader na pumipigil sa kanilang pagkamit ng tagumpay. Para kay Tony, hinding hindi naging dahilan ang kanyang sitwasyon o kapansanan bilang panira ng buhay.

Pagkatapos ng kolehiyo, sa dahan-dahan niyang pag-usad mula sa pagiging aktibista, siya ay nagsimula ng maliit na negosyo na nag-aayos at nagpapadala ng mga parte ng kompyuter. Naalala pa niya noong hindi pa siya tuluyang nabubulag ay nasunugan siya ng kilay dahil sa sobrang lapit niya sa ginagawang kompyuter.

Noong tuluyan nang nabulag si Tony, nagsimula siyang magtanim ng galit sa mundo. Pero sa tulong ng kanyang mga kapamilya, kaibigan, at mga organisasyon tulad ng Resources for the Blind, naisip niya na hindi dapat siya magpapatalo. Natuklasan niya ang kanyang kakayahan sa pagsasalita at pagpresenta ng kanyang Powerpoint slides. Ito ang panibagong simula ng kanyang buhay.

Hindi lang sa kanyang pagtuturo sa ATRIEV, si Tony ay isa ring ordained reverend ng United Church of Christ in the Philippines. Napaka-aktibo niya sa pagbibigay ng serbisyo bilang isang mentor o inspirasyon sa kanyang simbahan.

Sa tulong ng kanyang mga kapamilya at kaibigan, si Tony ay nagtayo ng isang kompyuter learning center sa kanyang bakuran. Marami ang bumili ng mga kompyuter, at sa tulong ng isang portable hardware na nagpapalit ng kompyuter operations sa audio output, sinimulan nilang turuan ang mga bulag kung paano gumamit ng kompyuter.


Jose Antonio Maraguinot

Si Jose Antonio Maraguinot, isang dalawampu’t apat na gulang na binata. Siya ay bulag na nang ipinanganak siya. Siya ay mahusay na nakapagtapos ng Bachelor of Science in Secondary Education major in English, at ngayo’y isa nang propesyonal na nagbibigay serbisyo hango sa kanyang karera at isa ring lisensyadong guro na galing sa Sindangan, Zamboanga del Norte at namuno sa ngayong taong graduation and recognition ceremonies of the Area Vocational Rehabilitation Center (AVRC III) Skills Training Courses na ginanap noong ika-17 ng Marso 2006.

Blind Teacher Leads in DSWD-AVRC Graduation . Isang artikulo ng Department of Social Welfare and Development.


Ang Center ay nagpapamahagi ng anim na pangunanhing skills training courses: Agrikultura, Garments Technology, Therapeutic Massage, Commercial Arts, Refrigeration & Air Conditioning, and Industrial Arts. Lahat ng tao na may kapansanan (PWDs) na ngayo’y tinatawag na differently-abled individuals, nasa 16-60 taong gulang ay maaaring makakuha ng libreng serbisyo, sa kondisyon na sila’y nasa tamang pagiisip at may malusog na pangangatawan para makasama sa skills training activities. Ang bawat trainee ay binibigyan ng pondo na P50.00 kada araw sa buong panahon ng training. Ang mga kliyente na taga-probinsya o malalayong lugar ay inaasikaso sa mga bahayan na makikita sa loob ng compound ng center, iyon lamang ay kapag sila ay walang kamag-anak sa siyudad.


Si Ginoong Maraguinot ay namahagi ng kanyang karanasan at mga pagsubok sa kanyang pagkamit ng degree sa Edukasyon sa St. Joseph College sa Sinandangan, Zamboanga del Norte. Kahit na mayroon siyang kapansanan o pagkabulag, siya ay nagtagumpay na pumasa sa Civil Service Eligibility at Licensure for Teachers Examination o LET sa tulong ng braille.


Timoteo Quilas

Ayon sa Mabalacat Association of Persons with Disability, isang bulag na masahista galing sa Bohol ang nakaahon mula sa kahirapan at nakatulong sa mga taong may kapansanan na maging mga produktibong mamamayan, ay nakatanggap ng 2005 Disabled Filipino of the Year Award.

Si Timoteo Quilas, ang nagtatag ng Bohol Federation para sa mga may kapansanan, ang nanguna sa mga tagatanggap ng Apolinario Mabini Awards sa Malacanang.

Si Quilas ay nagsanay bilang masahista matapos siyang mawalan ng paningin noong siya ay nasa ikatlong baitang ng kolehiyo at may asawa na. Ang kanyang pagsasanay ay nagbunga at nagawa niyang mapag-aral ang kanyang tatlong anak. Ang kanyang asawa, na umalis at iniwan siya noong siya ay nabulag, ay bumalik sa kanyang piling.



Roselle Ambubuyog

Nawala ang paningin ni Roselle noong siya ay anim na taong gulang dahil sa pinsala sa kanyang kornea. Nagbunga ito mula sa masamang epekto ng Steven Johnson’s Syndrome (SJS), isang labis na reaksyon ng immune system sa mga kemikal na nalalanghap o nadidikit sa katawan, umuusbong ito makaraan ang labindalawang araw matapos niyang uminom ng gamot na inireseta sa kanya ng doktor noong siya ay mayroon ding asthma.
Si Roselle Rodriguez Ambubuyog ay ang pinaka-unang bulag na Filipina na naging summa cum laude sa Ateneo de Manila noong 2001. Nakamtan niya ang kahusayan sa akademya sa kabila ng kanyang kapansanan at nagawang mapukaw ang loob ng masa dahil sa kanyang mga tagumpay.

Dahil si Roselle ang pinaka-unang bulag na mag-aaral sa Ateneo, isang Braille translation software program na pinapalitan ang isang teksto sa anyong Braille kasama na ang isang Braille printer ang binili ng Ateneo para makagawa ng mga palatanungan, at iba pang mga kagamitan na magagamit ni Roselle. Sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman naman kinuha ni Roselle ang kanyang Masters degree in Applied Mathematics, specializing in Actuarial Science.
Si Roselle, habang nananatili sa Pilipinas, ay kinuha bilang isang Consultant-Contractor for Human Computer Interaction sa Freedom Scientific, Inc., isang access technology company sa St. Petersburg, Florida, USA, na gumagawa ng Windows PC para sa mga taong bulag at sa mga may kapansanan sa pagkatuto.





Marx Melencio

Nawala ang paningin ni Marx noong 2003 nang isang taong lasing ang pinaputukan siya nang dalawang beses. Ang pangalawang putok ng baril ang naging dahilan ng kanyang pagkabulag sapagkat tumama ang bala sa likod mismo ng kanyang ulo. Nagbunga ito sa isang permanenteng pinsala sa kanyang "optic nerve" na nagresulta sa kabuuang pagkabulag. Nagdusa siya ng dalawang buwan dahil sa sinabi ng doktor sa kanya na hindi na ito magagamot.

Nakapagtapos siya ng kolehiyo sa UP Open University sa inspirasyon at suporta ng kanyang pamilya at mga kaibigan. Matapos makapagsanay sa isang programa sa Resources for the Blind, si Marx ay nakapagtrabaho sa isang kumpanya ng pagsulat. Mula roon, pinagsama niya ang sariling kaalaman, kakayahan sa kompyuter at ang kanyang teknikal na kasanayan sa pagsusulat. Ilang buwan din siyang nag-aral ng mga sistema ng produksyon at siniyasat ang mga stratehiya sa Marketing. Kanyang napagtanto na kaya niyang magsimula ng maliit gamit ang kanyang kaalaman sa kompyuter at sa pagsusulat.

Si Marx ay namamahala sa kanyang Grayscale Business Consultancy and Management Services na nagbibigay ng mga serbisyo sa pananaliksik. Nagbibigay siya ng mga trabaho sa mga may ibang kapansanan. Mula sa pundasyon ng kanyang sariling kompanya, pinalawak niya ang pagbibigay ng serbisyo gaya ng web programming, phone at email support, telemarketing, customer support at marami pang iba.

Si Marx ay dating mag-aaral ng ATRIEV sa ilalim ng kursong Medical Transcription. Kahit na hindi niya ito natapos, dahil kanyang nabatid na hindi ito ang kanyang linya, nadama niya na siya ay natulungan ng ATRIEV upang matugunan ang kanyang kalagayan. Natutunan niya ang kahalagahan at bentahe sa paggamit ng isang tungkod at shades, lalo na sa pananatili ng mga ito. Tiniyak din ni Marx na hindi niya makakalimutan ang lahat ng kanyang mga kaibigan at mga mentor mula sa kanyang dating paaralan.

Bukod sa ATRIEV, nagkaroon si Marx ng mga inspirasyon at mga mentor na nagturo sa kanya upang makamit ang kanyang kasalukuyang tagumpay, tulad ni Stephen Hawking, Resources for the Blind at Intelligraph - dati niyang pinagtatrabahuan. Sa kasalukuyan, nagsisilbi si Marx bilang mentor sa iba sa pamamagitan ng kanyang sariling negosyo. Siya ay nagpapatupad ng mga programa para sa mga taong may kapansanan na magbibigay sa kanila ng trabaho at kasabay ang patuloy na pagsasanay.


__________________________________________________



E. Mga batas, ahensya, programa, at organisasyon na tumutulong sa mga bulag


Kung pagbabasehan ang realidad, ang mga bulag ay mas hirap kaysa sa mga nakakakita. Hindi madali para sa kanila ang gumawa ng mga gawain ng walang takot at pag-aalinlangan. Ngunit sa tulong ng kapwa na lubos na biniyayaan ng mga mata upang makapamuhay nang normal, maaari rin gumanda ang kanilang pananaw sa buhay.

Napakaraming batas, ahensya, programa at mga organisasyon na nagbibigay-tulong sa mga bulag at may kapansanan sa anumang paraan. Ilan na rito ay ang:

  • REPUBLIC ACT NO. 1179

Kilusan para sa pagtataguyod ng "vocational rehabilitation” ng mga bulag at iba pang may kapansanan at sa kanilang pagbalik sa pagtatrabaho.

(a) Upang magbigay-daan sa pagsulong ng mga bokasyonal na pagsasanay para sa mga bulag at iba pang mga taong may kapansanan bunga man ng likas na paraan o ng mga aksidente na nagreresulta sa kahinaan sa pagtatrabaho dahil sa pisikal o mental na kapansanan. Tumutulong sa kanilang kasunod na pagbalik mula sa kawalang-kaya patungo sa kagalingan; mula sa pag-asa sa ibang tao tungo sa kasarinlan; mula sa kawalan ng pag-asa patungo sa aktibong pakikilahok at pagbibigay ng kontribusyon bilang mga kasapi ng lipunan;
(b) Upang ihanda ang mga may kapansanan para sa naaangkop na trabaho na kanilang kalalagyan;
(c) Upang sanayin sila para makamit nila ang nararapat nilang lugar sa mga gawaing ekonomiko at sosyal ng bansa at;
(d) Upang maging isang legal na karapatan ang vocational rehabilitation services sa mga may kapansanan.




  • PhilCoChed

Ang Philippine Council of Cheshire Homes for the Disabled (PhilCOCHED) ay isang pambansang organisasyong para sa may kapansanan at pagpapa-unlad sa kanila, makikita sa Cubao, Quezon City.

Ayon sa sarili nilang website, www.philcoched.com, isa silang organisasyong walang kinikita, na umaasa sa mga donasyon, at isang NGO o non-governmental organisasyon na nangangalaga ng mga taong may kapansanan sa Pilipinas at nagbibigay oportunidad upang mapa-unlad ang ekonomiyang kakayanan at aktibong partisipasyon sa sosyal, cultural, pulitikal, at sibil na pamumuhay. Ang PhilCOCHED ay may mahigit 40 katao na may karanasan sa pagtatrabaho para sa pagpapalaganap ng mga karapatan ng mga taong may kapansanan.


  • ATRIEV

Ang ATRIEV o Adaptive Technology for Rehabilitation, Integration and Empowerment of the Visually Impaired ay ang kaisa-isang paaralan sa Pilipinas na dalubhasa sa computer access and information technology na nilikha para sa mga bulag. Gamit ang adaptive technology, ang mga bulag at may kahinaan sa paningin ay maaari nang makakuha ng post-secondary education, mainstream employment, at iba pang mga oportunidad. Mayroon silang sariling website na lubos na magbibigay ng impormasyon ukol sa kanilang paaralan at mga programa na iniaalok nito, http://www.atriev.org.ph/.



  • NOVA

Ang Nova Foundation for Differently Abled Persons, Inc., ay isang NGO o non-government organization sa Pilipinas, na walang pondo at walang kinikita, umaasa lamang sa mga donasyon.

Sila ay may hangarin na maimpluwensyahan ang mga buhay ng mga taong may pinag-aralan at kakayahan ngunit may kapansanan, sa pamamagitan ng pagbibigay ng kasanayan at oportunidad sa trabaho, at sa pagimpluwensya sa mga indibidwal at mga korporasyon sa pamamagitan nang pagiging bahagi sa pagkilala at pagkamit ng hangarin o karera ng isang may kapansanan. Ang kanilang misyon ay ang paglahad ng buong partisipasyon, pang-ekonomiya at sosyal na integrasyon ng mga taong may kapansanan at sa pagpapaganda ng mga buhay ng mga taong natulungan nila sa pagkilala sa kani-knilang mga sarili at pagkamit sa kanilang hangarin sa buhay.



  • Resources for the Blind,Inc

Ang Resources for the Blind, Inc ay isang di-pampamahalaang organisasyong Kristiyano na nagsisilbi sa taong may kapansanan sa paningin sa lahat ng dako ng Pilipinas mula noong 1988. Sila ay tapat sa pagbibigay ng mga serbisyo, mga pagsasanay,mga materyales, at kagamitan na kailangan upang maabot ng mga bulag ang kanilang sukdulang potensyal sa buhay.

Na may higit sa kalahating milyong mga may kapansanan sa paningin sa Pilipinas, patuloy silang nag-aabot ng kamay sa mga nangangailangan ng serbisyo. Paggawa nang sama-sama kasama ang Panginoon, layunin nilang bigyang liwanag ang dilim.



  • National Council on Disability Affairs

Ang National Council on Disability Affairs (NCDA) ay ang pambansang ahensiya ng gobyerno na naatasan para magbalangkas ng mga patakaran at ayusin ang mga gawain ng lahat ng mga ahensiya, pampubliko o pribado man, na ukol sa mga may kapansanan. Ang NCDA ang pangunahing ahensiya na naatasan upang patnubayan ang takbo ng mga programa para sa pag-unlad ng mga taong may kapansanan at sa katiyakan ng paghahatid ng serbisyo sa sektor.

Ang NCDA ay naatasan upang subaybayan ang pagpapalaganap ng ilang batas para matiyak ang kapakanan ng mga karapatang sibil at politikal ng mga PWD’s.



__________________________________________________




F. Tugon sa lubos na partisipasyon ng mga bulag sa lakas-paggawa

Isang saybey ang ginawa ng NSO, kung saan tinutukoy nito ang bilang ng mga PWDs, kasama na ang mga bulag, na nagtatrabaho sa local na pamahalaan.





Nakasaad sa statistikong pag-aaral na ito ang bilang ng mga bulag na empleyado ng local na gobyerno sa bawat rehiyon.

Ayon sa 2000 census of population and housing ng NSO, na nakalimbag sa librong “Special Report on Persons with Disabilities” na hindi itinuring ng higit pa sa kalahati ng PWDs na ang pagkakaroon ng kapansanan ay magiging hadlang sa pagtratrabaho, kung saan 57.12% pa ng mga PWDs na nasa labinlimang taong gulang pataas ay mayroong trabaho o kaya negosyo. Kabilang sa kanila 62.95% ay lalaki at 37.05 naman ay babae.

Kung rehiyon ang pagbabasehan, bahagi ng mga PWDs na labinlimang taong gulang pataas na may trabaho ay pinakamataas sa ARMM (81.06%). Sumunod dito ay ang NCR (65.25%), Region IX (63.76%).

Kabilang sa mga economically active PWDs, 30.94% ay mga magsasaka, manggugubat, manggagawa o mangingisda at 10.81% naman ay mga “unskilled workers” at mga trabahador. Karamihan ng mga PWDs na nagtratrabaho bilang mga magsasaka, manggugubat o mangingisda ay mga lalaki (83.13%) pati na rin ang mga trabahador (58.09%)


Matatagpuan naman sa librong “The National Plan of Action: Philippine Decade of Persons with Disabilities 2003-2012” ay ang listahan ng mga iba’t ibang bagay na binibigyang prayoridad sa bansa na kailangan masagawa sa loob ng isang dekada.

Ilan dito ay nakalaan para sa mga PWDs kabilang na ang mga bulag. nakasaan dito ang mga paraan kupang mabigyan ng trabaho ang mga taong may kapansanan:


- Tiyakin na sa taong 2010 ay kahit 30% ng lahat ng programang bokasyunal ay tatanggap ng mga taong may kapansanan at magbibigay ng angkop na suporta sa kanila at ilalagay sila sa trabaho o negosyo.
- Ang lahat ng kasanayan at pagsasanay sa kabuhayan para sa mga PWD na ibinigay ng iba't ibang ahensya ng pamahalaan ay pinagsama-sama noong 2005.
- Ang pagsasama sa 2012 ng mga karapat-dapat at sanay na PWD sa mga trabaho sa ibang bansa.
- Ang pagkakaroon sa 2010 ng maaasahang datos na susukat sa bilang ng mga nagtatrabahong may kapansanan.



__________________________________________________
__________________________________________________



Konklusyon


Napatunayan ng mga mananaliksik na hindi lamang pagmamasahe ang kayang gawin ng mga bulag, kaya rin nilang magturo sa mga kapwa nila bulag ayon sa datos na nakalap ng mga mananaliksik. Kaya rin nilang maging call center agents dahil hindi mahalaga ang paningin sa trabahong ito. Ang bilang ng mga PWDs na na mayroong trabaho o negosyo; na mahigit kumulang 57.12% ng kabuuang bilang ng PWDs ang magsisilbing batayan na ang pananaliksik na ito ay totoo at hindi kathang-isip lamang. Mahigit 200 bulag din ang nagtatrabaho sa lokal na pamahalaan na magandang batayan na ang bansa ay bukas sa pagbibigay trabaho sa mga gaya nila. At hindi kailangan kumpleto at buo ang pangangatawan ng isang tao upang maging kapaki-pakinabang sa bansa.



Remomendasyon


Sa mga magsasagawa ng pananaliksik ukol sa paksa ng mga ambag ng mga bulag sa ekonomiya ng ating bansa, inyong pag-ibayuhin at pagsikapan pa nang husto ang inyo ang paksang ito. Inyong palawakin ang saklaw ng aming isinagawa. Gaya ng pagsasama ng mga Pilipinong bulag sa ibang bansa na maaaring maka-ambag sa ekonimiya ng ating bansa. Magkaroon ng isang makabagong at mapagkakatiwalaang sanggunian na maaaring gawing datos at stastistika para sa maayos at wastong pananaliksik.

Mga Sanggunian

Vaughan, Daniel kasama sina Asbury, Taylor at Riordan-Eva, Paul. (1999). General Ophthalmology:15th Edition. Aplleton and Lange A Simon and Schuster Company. Chapter 23(pp.384-388).

Report No. 2, Volume 1 of Demographic and Housing Characteristics, isang report na inilabas ng NSO noon taong 2000.

Special Report on Persons with Disabilities, isang report na inilabas ng NSO noon taong 2000.

The National Plan of Action: Philippine Decade of Persons with Disabilities 2003-2012. (2003)

The Negros Chronicle. pahayan ng Negros Oriental. (Disyembre 26, 2009).

The Eye in General Practice

Genevieve Rivadelo. Being a SPED teacher is all about commitment. Manila bulletin. (Agosto 24, 2009).

Blind masseur named Disabled Pinoy for 2005’. isang news article na inilabas ng Mabalacat Association of Persons with Disability. (Enero 24, 2005).

Joey Concepcion. Tagumpay: Blind Men's Vision. (Disyembre 28, 2009). isang artikulo sa site na Negosyo: Sagot sa Kahirapan.

http://www.atriev.com/

http://www.philcoched.com/

http://www.novafoundation.ph/

http://www.hsbc.com.ph/

http://www.ncda.gov.ph/disability-laws/republic-acts/republic-act-1179/. Republic of the Philippines REPUBLIC ACT NO. 1179

panayam sa tatlong bulag na masahista sa Quezon City Hall. Fidel Tamayan, Maria Kristina Enriquez at Emmanuel Barbara.

pakikipag-usap sa mga empleyado ng National Council on Disability Affairs.

2 comments:

  1. D
    e
    h
    AD
    AA

    A-46
    N-45 +
    Kabuuan=91

    Para sa kahulugan ng mga titik, pumunta sa www.babe-ang.blogspot.com.

    ReplyDelete
  2. may institusyon ba para sa bulag ang pilipinas?

    ReplyDelete